Noong unang panahon ayon sa alamat ng pulong Mindanaw,
ay wala ni kahit munting kapatagan. Pawang kabundukan
ang tinatahanan ng maraming taong doo’y namumuhay
maligaya sila sapagkat sagana sa likas na yaman.
Subalit ang lagim ay biglang dumating sa kanilang bundok
na dati’y payapa. Apat na halimaw ang doo’y nanalot.
Una’y si Kurita na maraming paa at ganid na hayop
pagka’t sa pagkain kahit limang tao’y kanyang nauubos.
Ang Bundok Matutum ay tinirhan naman ng isang halimaw
na may mukhang tao na nakatatakot kung ito’y mamasdan,
ang sino mang tao na kanyang mahuli’y agad nilalapang,
at ang laman nito’y kanyang kinakain na walang anuman.
Ang ikatlo’y si Pah na ibong malaki. Pag ito’y lumipad
ang Bundok na Bita ay napadidilim niyong kanyang pakpak,
ang lahat ng tao’y sa kuweba tumahan upang makaligtas
sa salot na itong may matang malinaw at kukong matalas.
Ang Bundok Kurayang pinananahanan ng maraming tao
ay pinapaglagim ng isa pang ibong may pitong ulo;
walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na kuko
pagkat maaaring kanyang matanaw ang lahat ng dako.
Ang kalagim -lagim na kinasapitan ng pulong Mindanaw
ay nagdulot ng lungkot sa maraming baya’t mga kaharian;
Si Indarapatra na haring mabait, dakila’t marangal
ay agad nag-utos sa kanyang kapatid na prinsipeng mahal.
“Prinsipe Sulayman, ako’y sumasamo na iyong iligtas
ang maraming taong nangangailangan ng tulong mo’t habag.”
“O mahal na hari na aking kapatid, ngayon di’y lilipad
at maghihiganti sa mga halimaw ang talim ng tabak.”
Binigyan ng singsing at isang espada ang kanyang kapatid
upang sandatahin sa pakikibaka. Kanyang isinabit
sa munting bintana ang isang halaman at saka nagsulit;
“ang halamang ito’y siyang magsasabi ng iyong nasapit.”
Nang siya’y dumating sa tuktok ng bundok na pinaghaharian
nitong si Kurita, siya ay nagmasid at kanyang natunghan
ang maraming nayong wala kahit isang taong tumatahan;
“Ikaw’y magbabayad, mabangis na hayop!” yaong kanyang sigaw. Di pa nagtatagal ang kanyang sinabi, nagimbal ang bundok
at biglang lumbas itong si Kuritang sa puso’y may poot;
sila ay nagbaka at hindi tumigil hangga’t malagot
ang tanging hininga niyong si Kuritang sa lupa ay salot.
Tumatag ang puso nitong si Sulayman sa kanyang tagumpay
kaya’t sa Matutum, ang hinanap naman ay si Tarabusaw;
sa tuktok ng bundok ay kanyang namalas ang nakahahambal
na mga tanawin: “Ngayon di’y lumabas nang ikaw’y mamatay.”
Noon di’y nahawi ang maraming puno sa gilid ng bundok,
at ilang saglit pa’y nagkakaharap na silang puso’y nagpupuyos.
Yaong si Sulayma’y may hawak na tabak na pinang-uulos;
ang kay Tarabusaw na sandata nama’y sangang panghambalos.
At sa paghahamok ng dalawang iyong balita sa tapang
Ang ganid na hayop sa malaking pagod ay napahandusay.
“Ang takdang oras mo ngayo’y dumating na,” sigaw ni Sulayman
At saka sinaksak ng kanyang sandata ang tusong halimaw.
Noon di’y nilipad niyong si Sulayman ang Bundok ng Bita;
siya’y nanlumo pagka’t ang tahanan sa tao’y ulila;
ilang sandal pa ay biglang nagdilim gayong maaga pa
at kanyang natantong ang kalabang ibon ay dumating na.
Siya’y lumundag at kanyang tinaga ang pakpak ng ibon,
datapwat siya rin ang sinamang-palad na bagsakan niyon;
sa bigat ng pakpak, ang katawan niya sa lupa bumaon
kaya’t si Sulayman noon ay nalibing nang walang kabaong.
Ang kasawiang ito ay agad nabatid ng mahal na Hari
pagka’t ang halaman noon di’y nalanta’t sanga’y nangalabi;
“Siya ay patay na!” ang sigaw ng kanyang namumutlang labi,
“Ang kamatayan mo’y ipaghihiganti buhay ma’y masawi.”
Nang siya’y dumating sa Bundok ng Bita ay kanyang kinuha
ang pakpak ng ibon. Ang katawang pipi ay kanyang namalas
nahabag sa kanya ang kanyang bathala; biglang nagliwanag
at ilang saglit pa ay nakita niya ang tubig na lunas.
Kanyang ibinuhos ang tubig na iyon sa lugaming bangkay,
at laking himala! Ang kanyang kapatid ay dagling nabuhay,
sila ay nagyakap sa gitna ng galak at ng katuwaan,
saka pinauwi itong si Sulayman sa sariling bayan.
Sa bundok Kurayan na kanyang sinapit ay agad hinanap
ang ibong sa tao’y nagbibigay-lagim at nagpapahirap;
dumating ang ibong kaylaki ng ulo at kukong matalas
subalit ang kalis ni Indarapatra’y nagwagi sa wakas
Sa kanyang tagumpay may isang diwatang bumating magalang, “Salamat sa iyo butihing bayani na ubod ng tapang,
kaming mga labi ng ibong gahaman ngayo’y mabubuhay.”
at kanyang namalas ang maraming taong noo’y nagdiriwang.
Nabihag ang puso ng mahal na hari sa ganda ng mutya
kaya’t sa naroon ay kanyang hiniling na lakip ang sumpa
na sila’y ikasal. Noon di’y binuklod ng isang adhika
ang kanilang puso. “Mabuhay ang hari!” ang sigaw ng madla.
Ang tubig ng dagat ay tila hinigop sa kailaliman;
at muling lumitaw ang lawak ng lupang pawang kapatagan,
si Indarapatra’y hindi na bumalik sa sariling bayan,
at dito naghari sa mayamang lupa ng pulong Mindanaw.
Magandang epiko
ReplyDelete