Noong
simula ng daigdig, wala pang lupa. Ang dagat lamang at ang langit ang
naruruon, at sa pagitan nila ay isang lawin. Walang tigil ang lipad
ng lawin at dumating ang isang araw nang napagod siya. Matagal siyang
humanap ng malalapagan subalit walang nakita kaya naisip niyang
galitin ang dagat.
Sa
puot ng dagat, pinaghahagis niya ng tubig ang lawin hanggang umabot
sa langit ang taas ng mga alon. Nagimbal naman ang langit at, upang
mapahupa ang mga alon, binagsakan ng maraming bato ang dagat. Sa dami
ng bato, nagtumpok-tumpok ito at nabuo ang iba’t ibang pulo sa
ibabaw ng dagat. Sa wakas, tumigil ang talon ng mga alon.
Inutos
ng langit sa lawin na lumapag sa isa sa mga pulo at duon mag-pugad.
At huwag nang gambalain ang dagat at ang langit. Mula nuon, tahimik
na namuhay ang lawin, at iba pang mga ibon, sa mga pulo sa pagitan ng
dagat at langit.