Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa
bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong
ginising ang nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli
sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata ang babae, kumurap-kurap at nang
mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti.
Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang
minsan sa isang buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi
nagtagal at ang mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo
sa Kapilya. Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na
nananalangin. "Diyos ko," and marahang panalangin ni Edna,
"Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's huwag magbago ang
pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay taimtim ding
dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa sinapupunan
ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan.
Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang
kabiyak at sila'y lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang
paglalakad ay biglang napahinto si Edna.
"Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay
Manuel sabay turo sa puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto
ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos matulo ang laway sa pananabik.
Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman ang gagawin. Alam niyang ang
lansones ay lason at hindi maaring kainin ngunit batid din naman niyang
nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa pagkaing hinihiling. Sa
pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni Edna at muling sumamong
ikuha siya ng mga bunga ng lansones.
"Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo."
Pagkarinig ni Edna sa wika ng asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi
ang pumulas sa kanyang mga labi. Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa
malaking habag sa asawa ngunit tinigasan niya ang kanyang loob.
Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap.
"Huwag na iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at
pagdating natin sa bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang
manibalang."
Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa
kanilang tahanan. Ang maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang
sinaputan ng ulap. Ni hindi sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na
pitas ni Manuel sa kanilang duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid,
ayaw tumikim man lamang ng pagkain at ayaw tapunan ng tingin ang
pinagtatampuhang asawa.
Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman.
Hindi malaman ni Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng
asawa."Edna, ano ba ang dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni
Manuel habang buong pagsuyong hinahaplos ang noo ng maysakit.
Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang
butil ng luha ang nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si
Manuel sa tabi ng maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan
ngayon na kaibang-kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na
ngayon ang namumurok na pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam,
wala na ang ningning ng kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at
mistulang larawan ng kamatayan.
Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang
pagkatao ay mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang
bunga ng kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin
niya ang katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak.
Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang
kamay na pinitas ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan.
"Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang
aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa
aking piling," nangangatagal ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay
ng mariing pagpikit ng mga mata. Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa
pagkagunitang ang bungang iyon ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan.
Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking
himala! May nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang
panggigilalas noong iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa
kaputian. Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang
masamyo. Sa tinig na waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae.
"Anak ko, kainin mo ang bungang iyong hawak."
Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang
bungang iyon ay lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap
ang babaeng nakaputi. "Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong
hawak." Pagkasabi noo'y kumuha ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel
at ito'y marahang pinisil.
Mawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang
bunga ng lansones. Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin
sa babaeng nakaputi ay nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala
ang kanyang mata ay hindi makita. "Salamat po, Diyos ko!" ang nabikas
ni Manuel. Biglang sumigla ang katawanni Manuel at hindi magkandatutong pinitas
ang lahat ng mga bungang makakaya niyang dalhin at nagdudumaling umuwi sa naghihintay
na asawa.