M(caps)aganda ang paruparo lalo na kung nagliliparan sa loob ng halamanan. May iba't-ibang kulay ang kanilang mga pakpak. May matitingkad na asul at murang berde. May dilaw na dilaw at may itim na itim. May mga pakpak na may batik-batik na disenyo. May mga pakpak na may magkakahalong kulay na sinadya yata ng kalikasan upang hangaan ng sangkatauhan.
(ads1)
Saan nga ba nagmula ang mga paruparo? May alamat na pinanggalingan ang insektong ito.
Noong unang panahon, may isang matandang babae raw na nakatira sa tabi ng lawa. Ang munting dampa niya ay naliligid ng mga halamang pinamumulaklakan. May mapupulang gumamela, may madidilaw na santan. Mayroon ding rosas, kalaehuehi, ehampaea at ilang-ilang. Nakakatawag pansin din sa hardin ang sampaguita, eadena de amor at kamya. Banggitin mo ang alinmang bulaklak na iyo nang nakita, makatitiyak kang nasa halaman ito ng matandang hardinera. May mga bulung-bulungan na ang hardinera ay isa raw Ada na paminsan-minsan ay bumabata at gumaganda.
(ads2)
Totoong napakabait ng matandang hardinera. Ang sinumang kapitbahay na humingi ng bulaklak ay binibigyan niya. Alam niyang iniaalay ng mga kapitbahay ang mga bulaklak sa altar ng kapilya tuwing may bibinyagan, kukumpilan, ikakasal o bebendisyunan kapag may namamatay.
Sapagkat iginagalang ng lahat, ang hardinera ay lagi nang pinasasalubungan ng anumang handog ng kaniyang mga nagmamahal na kaibigan sa komunidad. Binibigyan siya ng mga palay na inani, prutas na pinitas, isdang biningwit. Bilang pakikisama ng isang matapat na kaibigan, ikinukuha naman ng hardinera ang sinumang humingi ng mga pumpon ng bulaklak.
Lubos na nagtutulungan at nagbibigayan ang lahat ng tao rito. Wala ritong alitan ang magkakapitbahay. Lahat ay nagmamahalan.
Ang problema ay naganap lamang nang dumating sa komunidad ang mag-asawang lubos na mapagsamantala, ang pamilya Amparo. Tamad at palahingi ang mag-asawang ito. Nakitayo sila sa isang bakanteng lugar na malapit sa hardinera. Nanghingi sila ng kawayan, pawid at kahoy upang maitindig lang ang dampa nila. Lahat ng kapitbahay na noon lang nila nakita ay hiningan nila. Upang mabuhay, nanghihingi ang pamilya Amparo ng pagkain sa kapitbahay. Kapag alam nilang may palay na naani ang sinuman, naroon na sila sa tarangkahan. Kapag alam nilang may nabingwit na mga isda ang sinuman, kakatok kaagad sila sa pintuan. At kapag alam nilang may napitas na mga prutas ang sinuman hayan na sila at manghihingi na naman.
Ang panghihingi ay ginawa nila minsan sa hardinera. Sapagkat totoong mabait, buong pusong nagmagandang loob ang matanda. Mapupulang rosas at dilaw na krisantermo ang bigay ng hardinera sa pamilya. Pero nakarating sa kaalaman ng hardinera na hindi naman sa binyag, kumpil, kasal o bendisyon inihandog ang mga bulaklak na bigay niya. Ipinagbili pala sa malaking halaga upang sila ay kumita.
Sa ikalawang pagkakataon ay humihingi na naman sila sa hardinera. Hindi na sila pinagbigyan sapagkat alam nito ang kanilang kasamaan.
Sapagkat ganid, nagplano ang mag-asawang pagnakawan nila ang hardinera. Isang gabing maliwanag ang buwan, walang paalam na pinasok nila ang halamanan. Pinagpipitas ng pamilya Amparo ang pinakamagaganda at pinakamababangong bulaklak.
Huling-huli ng hardinera ang pagnanakaw ng mag-asawa. Kahit na pagbawalan ay sumige pa rin sila.
Parang awa na ninyo, pagsusumamo ng hardinera. Huwag naman ninyong ubusin ang mga bulaklak na tanim ko!
Hoy pangit na matanda! Pasalamat ka at pinipili namin ang pinakamagaganda mong tanim! Kung ikaw siguro ang naging bulaklak ay hinding-hindi ka pupupulin.
Ganoon ba? galit na nagpanting ang tenga ng hardinera. Maghintay kayo at may mas magandang ihahandog ako sa inyo.
Pumasok sa dampa niya ang matanda. Maganda na itong ada nang magbalik. Tangan nito ang nagniningning na pananglaw na ikinamangha ng pamilya Amparo.
Magmula ngayon, isinusumpa ko ang pagiging gahaman ninyo! Sapagkat pawang magagandang bulaklak lamang ang pinipili ninyo, kayo naman ang magiging pinakamagagandang insekto sa hardin ko. Pero hinding-hindi na ninyo makukuha ang mga bulaklak ko. Lalanghap-langhapin na lang ninyo ang mga ito!
Iwinasiwas ng ada ang pananglaw niya. Sa isang kisap-mata ay lumiit nang lumiit ang mag-asawa. Nagmistula silang insekto pero biniyayaan naman ng magagandang pakpak.
Magmula noon, hindi na nakita pa ng mga magkakapitbahay ang kinaiinisang mag-asawa. Hindi nalingid sa lahat ang dalawang insektong lilipad-lipad sa halamanan ng hardinera. Sapagkat pawang magagandang bulaklak ang dinadapuan, inisip ng lahat na parusa ng ada sa mag-asawa ang pagiging insekto nila.
Kapansin-pansing ang disenyo ng kaliwang pakpak ng insekto ay katulad na katulad ng nasa kanan nito. Kapag may nagtatanong kung ano ang tawag sa insektong lilipad-lipad, ang sagot ng marami ay mag-asawang Amparo o Amparo o Paro na naging Paro-paro na sapagkat may parehong disenyo ay nauwi sa Paru-paro.