S(caps)i Juan Tambán ang isa sa mga tauhang “Juan” (Hu·wán) o “Suwan” sa mga kuwentong-bayan ng Filipinas. May popular na tugmang-bayan na ganito ang linya:
(ads1)
Si Juan Tamban
Bulók ang tiyan.
Mahihiwatigan sa tugmang-bayan na isang anak ng maralita si Juan Tamban. Itinulad nga sa isdang tambán ang kaniyang tiyan dahil mapintog ngunit punô ng burak. Sinabing bulók ang kaniyang tiyan dahil maaaring puro panis na pagkaing pinulot sa basurahan ang ipinantitighaw niya ng gútom.
(ads2)
Ang sitwasyong ito ang ikinintal ng dulang Juan Tamban, isang dula na may tatlong yugto na isinulat ni Malou Leviste Jacob noong 1979 at nagtatanghal sa malubhang pagdarahop ng batàng anak ng maralitang tagalungsod.
Nagsimula ang konsepto ng dula sa totoong buhay ng isang batàng kumain ng mga ipis at butiki kayâ napabalita sa mga pahayagan. Nagsaliksik ang PETA tungkol sa kaniya at gumawa ng dula tungkol sa nasabing paslit, na inihandog para sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Taon ng mga Batà.