Isang popular na pangharanang awit na katutubo sa Kailokohan ang “Mánang Bidáy.” Naglalahad ito ng marubdob na pagsinta ng isang binata sa isang dilag na tinawag na Mánang Bidáy (Aling Biday).
Bagaman at mas matanda ang dalaga sa binata (ang tawag na “manang” ay “ate” sa mga Ilokano), hindi ito dahilan, wika niya sa kanta, para hindi niya ipahayag ang kaniyang pag-ibig. Subalit matatag na nagsabi ang dalaga ng kaniyang mga dahilan na hindi karapat-dapat ang sumusuyo sa kaniya. Ang magkabilâng pahayag ng binata at dalaga sa pamamaraang nagsasagutan silá ang kabuuan ng kanta.
Manang Biday-Epiko
Ang “Mánang Biday” ay sumasagisag sa kaugalian ng kababaihang Filipino—maganda, balingkinitan, ngunit mayumi at mahirap suyuin. Waring nilagom diumano ito ni Rizal sa imahen ni Maria Clara. Sa kasamaang palad, ang mga ganitong kanta na nakapaloob ang tradisyonal na kaugaliang Filipino ay nasasapawan na ng mga kantang popular at hip-hop na naglalaman ng mga modernong kaugaliang kaiba, at malimit pang salungat, sa katutubo’t tradisyonal. Sa unti-unting paglimot sa musika katulad ng “Manang Biday” ay unti-unti ring namamatay ang magandang kulturang Filipino.