Minsan nagtampo ang buwan sa araw at ito’y kanyang kinamuhian. Inggit ang dahilan ng lahat.
Naiinggit siya sa araw, dahil ito’y mas sikat at hinahangaan ng mga tao kaysa sa kanya. Samantalang siya’y simbolo lamang ng malalagim na bagay. At kung minsan ay ginagawang palatandaan ng kabaliwan!
Walang nananabik sa kanyang pagsikat at walang nanghihinayang sa kanyang paglubog. Habang ang araw ay parating inaabangan ang pagsikat at ikinalulungkot ang paglubog nito.
Sa galit ng buwan, siya’y nagpakalayu-layo sa araw.
At sa paghahangad niyang maging sikat, nanghiram siya ng kulay sa bahaghari at ito’y ipinahid niya sa kanyang mukha.
Gayundin, nanghiram siya ng ilang bituin at pinakislap ang ilang bahagi ng kanyang kabuuan.
Hindi nga naglaon at napansin siya ng mga tao.
Ngunit sa halip na hangaan, siya’y pinagtawanan. Nilibak. Kinutya!
Saan ka nakakita ng buwan na may ibang kulay?
Lubos na nalungkot ang buwan.
Malulupit ang tao, ang sabi niya. Nagkamali siya kung bakit hinangad pa niya ang paghanga ng mga ito.
At masaklap pa nito, napuna na lamang ng buwan na unti-unti nang napapawi ang taglay niyang liwanag. Kapag nagtuluy-tuloy ang paglalaho ng kanyang liwanag, tuluyan na siyang mawawalan ng saysay.
Dito napag-isip-isip ng buwan ang isang katotohanan. Na kapag malayo pala siya sa araw ay nawawalan siya ng liwanag. Dahil ang liwanag na kanyang taglay ay sa araw rin nagmumula. Ito ang nagbibigay at sa kanya’y nagkakaloob.
Hiyang-hiya ang buwan sa kanyang ginawa. Nagbalik siya sa araw na hinang-hina. Humingi siya ng tawad dito.
Napakasama ko. Ikaw na nagbigay sa akin ng buhay ay kinainggitan ko pa. Anong klaseng nilalang ako?
Ang lahat ay natutukso at nagkakamali. Ang mahalaga’y nagbalik ka nang muli kung saan ka nararapat. At iyan ay sa piling ko, ang sabi ng araw.
Magmula noon, hindi na lumisan ang buwan sa piling ng araw na nagbibigay buhay sa kanya!
Mensahe: Nang dahil sa inggit at mga paghahangad, tayo’y nagiging bulag. Nakalilimutan natin ang tunay nating saysay at kaganapan sa mundo. At nakakaligtaan nating kilalanin ang tunay na nagmamahal sa atin at pinagmulan ng ating buhay.
Be one of the Community. Publish your writings in this site. to do this: just kindly send your writings @ lermzdomy.writer@blogger.com. Your writings will automatically publish in this site. For more info just kindly click here.