Type Here to Get Search Results !

Pandaguan


Si Pandaguan ay isang tauhan sa mitolohiyang Bisaya. Ang mito niya ay kaugnay ng konsepto ng kamatayan, at may ilang bersiyon ng salaysay ukol sa kaniya.
Pandaguan



Sa isang kuwento, si Pandaguan ang isa sa mga anak nina Sicalac at Sicabay, na maituturing na Adan at Eba. Asawa niya si Lupluban, at may isa siláng anak, si Anoranor. Bilang matalino at malikhain, nakagawa si Pandaguan ng unang lambat o panghúli ng isda sa kasaysayan. Ang una niya kaagad nahúli ay isang malaking pating. Iniahon niya ito sa galak, ngunit bilang isang isda, namatay ang hayop. Ito ang sinasabing unang kamatayan sa daigdig, at si Pandaguan ang tagapagdulot nitó. Nang napag-alaman ito ni Kaptan, ang bathala ng kalangitan, sa galit ay naghagis siyá ng kidlat kay Pandaguan. Namatay si Pandaguan at siyá ang unang táong nakaabot sa Kabilang-Buhay. Hábang nagluluksa, inalo si Lupluban ng lalaking si Marancoyang (o Maracoyrun), at sa hulí ay sumáma dito bilang asawa. Nanatili naman si Pandaguan ng tatlumpung araw sa Kabilang-Buhay, at pagkatapos nitó ay ipinadaláng muli ni Kaptan sa daigdig. Pagdating sa lupa, ipinadalá ni Pandaguan ang anak na si Anorinor upang sunduin ang asawa. Si Lupluban naman noon ay nagpipista kasáma ang bagong asawang si Marancoyang. Sa isang bersiyon ng salaysay, hindi naniwala si Lupluban na nabuhay muli si Pandaguan, at nang ipinaalam ito ni Anorinor, naghinagpis si Pandaguan at bumalik na lámang sa Kabilang-Buhay. Sa isa namang bersiyon, naghinagpis na kaagad si Pandaguan pagkalaam na nag-asawang muli si Lupluban, at kusang bumalik sa Kabilang-Buhay.

Sa isa namang bersiyon, pagkahúli ni Pandaguan ng pating, inutusan siyá ni Kaptan na ibalik kaagad ito sa dagat. Hindi siyá sumunod, dahil na rin sa pakiramdam na kung kináya niyang mahúli ang malaking pating ay káya rin niyang tanggihan ang mga bathala. Nagalit si Kaptan at pinatamaan ng kidlat si Pandaguan. Hindi namatay si Pandaguan; bagkus ay nahimlay lámang ng tatlumpung araw sa lupa bago bumangong muli. Sinunog ng kidlat ang kaniyang katawan, at lahat ng kaniyang inapo ay itim ang balát.


Be one of the Community. Publish your writings in this site. to do this: just kindly send your writings @ lermzdomy.writer@blogger.com. Your writings will automatically publish in this site. For more info just kindly click here.

Post a Comment

1 Comments
* Please Don't Spam Here. All the Comments are Reviewed by Admin.