Tudbulul:Epiko ng Mindanao mula sa pamayanang Tiboli sa lalawigan ng Timog Cotabato
Pinoy Writer5:45 PM0
Mula sa pamayanang Tiboli ng lalawigan ng Timog Cotabato sa Mindanao ang epikong-bayang Tudbulul. Isinasalin ang salaysay nitó sa iba’t ibang pangkat at panahon sa pamamagitan ng pag-awit o helingon. Ang mga awit o lingon na bumubuo sa epikong-bayan ay tinatawag sa loob ng pamayanang Tiboli na Lingon Tuha Logi (“Awit ng Matanda”). Malawakan naman itong kinikilála bilang Tudbulul dahil ito ang pangalan ng bayaning tauhan.
Tinatayâng may 20 hanggang 24 na lingon ang epikong-bayan, at bawat isa ay nagsasalaysay ng isang buong kuwento. Nagsisimula ang epikong-bayan sa awit na Kemokul Laendo nga Logi (“Walang Anak si Kemokul”) na nakatuon sa pagnanais ni Kemokul na magkaroon ng anak na lalaki na siyáng magtatanggol sa kanilang pamayanan, ang Lemlunay.
Ang kapanganakan ni Tudbulul ang magiging katuparan ng kaniyang nais. Ipinahihiwatig ang kadakilaan ng sanggol ng mga kakambal nitóng gamit pandigma: sombrero, kalasag, mamahaling gong, at isang kabayo.
Ang pag-awit ng Tudbulul ang siyáng pinakatampok sa anumang pagtitipon ng pamayanan. Isinasagawa ito tuwing Klalak, ang bahagi ng pagdiriwang kung kailan tapos nang kumain ang lahat at wala nang iba pang gagawin maliban sa pakikinig ng lingon. Itinuturing na sagrado ang pag-awit ng epikong-bayan dahil ang kanilang diwata ang nagsasabi kung ano ang kanilang dapat isalaysay.
Ginagawa ang helingon hábang nakaupô at mahigpit na ipinagbabawal ang paghiga. Kaugnay nitó, mataas ang pagtingin ng mga Tiboli sa umaawit ng epikong-bayan at pinatutunayan ng paghahandog sa kaniya ng mga pagkain at regalo sa katapusan ng pagtitipon.