M(caps)arami sa magagandang tanawin ng ating bayan ang mga tangi at kilalang palatandaan. Isa na rito ang Look ng Maynila. Ipinalalagay na isa ito sa mahuhusay na daungan ng mga sasakyang-dagat sa silangan. Sa makitid na pasukan nito, naroroon ang Pulo ng Corregidor na naging tagpo ng mga di-malilimot na pangyayari noong Pangalawang Digmaang Pandaigdigan. Sa baybay nito, naroroon naman ang baybayin ng Cavite, Manila, Bulacan, Pampanga, at Bataan. Ang mga pook na ito ay naging saksi ng mga dakila at mahalagang pangyayari sa ating kasaysayan.
Sa Mountain Province, mga tatlundaang milya sa hilaga ng Maynila, naroroon ang rice terraces na bantog sa buong mundo bilang isa sa Walong Hinahangaan sa Daigdig. Ang mga baytang-baytang na taniman ng palay na ito ay itinayo ng mga unang-unang ninuno ng mga kasalukuyang Ifugao, noong mga tatlunlibong taong nakaraan.
Sa lalawigan ng Batangas, naroon ang Lawa ng Taal. Sa gitna ng lawa ay may isang bulkang gising. May paniniwalang ang lawa ay bunga ng malakas na pagsabog ng bulkan noong nakaraang panahon. Ang abo at putik na ibinuga ng bulkan ay kumalat sa malawak na lupa sa Greater Manila Area.
Noong ika-28 ng Setyembre 1965, pumutok ang Bulkang Taal. Ang mga baryo sa baybay ng lawa ay lumubog sa putik at abo. Ang pagputok na iyon ay lumikha ng panibagong butas sa bulkan at nakamatay sa libu-libong tao. Nawalan ng tahanan ang mga napinsala at inilipat sila sa ibang tirahan. Kumilos nang sama-sama sa isang kilusang pangkawanggawa ang pamahalaan, ang mga samahang pambayan, mga bahay-kalakal, at libu-libong mamamayang pribado upang damayan at tulungan ang mga napahamak sa pinakamalubhang kapahamakang umabot sa ating bansa noong 1965. Mula noon, muling tumahimik ang Taal upang muling mabigyan ng kariktan ang tanawin.
Ang Bulkang Mayon, bantog din sa buong daigdig, ay nasa lalawigan ng Albay, malapit sa Lungsod ng Legaspi. Ito ay pitung-libo't siyamnaraang talampakan ang taas at ang taluktok ng bulkan (perfect cone) ay balita sa buong mundo.
Ang Lawa ng Lanao ay nasa Pulo ng Mindanao. Dalawang libong talampakan ito sa ibabaw na pantayang-dagat at umaagos sa Ilog Agus. Sa dakong malapit sa Lungsod ng Iligan, ang tubig sa Ilog Agus ay bumababa ng walumpung talampakan sa ilalim at siyang bumubuo ng Talon ng Maria Cristina. Ito ang nagpapalakad at nagbibigay ng elektrisidad na ginagamit sa bayan-bayan at sa mga sentro ng kalakalan at industriya sa Mindanao.
Bukod sa mga nabanggit na palatandaan, marami pang magagandang tanawin at makasaysayang pook ang bayan, na makapagdudulot sa mga turista ng kawili-wili at kasiya-siyang pagdalaw sa Pilipinas.