I(caps)to ay kampana ng katarungan, ang sabi Ing hari. Ito ay para sa inyo, aking mamamayan at nasasakupan. Tugtugin ninyo kung may gumawa sa inyo ng masama. Dali-daling paririto ang mga hukom upang kayo'y bigyan ng katarungan. Ito ay para sa lahat - mayaman ma't dukha; bata o matanda. Ngunit huwag ninyong tutugtugin kung sa akala ninyo ay hindi naman kayo inaapi.
Maraming mga taon ang nakaraan kaya marami ring mga kamalian ang naituwid at marami ring mga salarin ang naparusahan. Humina na ang lubid na nakatali sa kampana at ang ibaba nito ay nalagas at napatid kaya matangkad lamang ang puwedeng makaabot sa lubid upang makatugtog.
Ang sabi ng isa sa mga hukom, Problema ito. Kung sakaling may batang pinaslang, paano niya ito mapararating sa kaalaman namin?
Ipinag-utos ng mga huwes na palitan ang lubid. Wala namang makitang mahabang lubid sa bayan. Kung sila naman'y magpasugo at magpakuha sa gubat ay baka malaunan. Anong gagawin kung sa mga sandaling ito ay magkaroon ng kaso ang isang bata at dalhin sa amin?
Sa mga istambay na nakikinig ay may isa namang nagprisinta, Ako'y kukuha ng mainam na tali. Ito'y umalis at nang magbalik, may dalang mahabang baging.
Siya'y umakyat sa tore at itinali ang baging sa kampana. Ito'y nakalawit at puno ng mga sariwang dahon.
Maayos na iyan! ang sabi ng mga hukom at tuloy pinasalamatan ang nag-magandang-loob.
Di-kalayuan sa pamilihang-bayan may nakatirang isang kawal. Siya'y matapang noong kanyang katanghalian. Malaki ang kanyang karanasan sa digma. Malalayong bayan ang kanyang narating at naging kasama ang kanyang kabayong di-miminsang nagtawid sa kanya sa mga panganib.
Nang siya'y tumanda, wala na sa kanyang isip ang digma. Hindi na siya naniniwala sa katapangan at kabayanihan. Walang laman ang kanyang ulo kundi ginto. Walang iniisip kundi kayamanan. Ang kanyang sinasamba ay salapi. Ipinagbiling lahat ang mga ari-arian at tumira na lamang sa maliit na dampa sa bukid. Wala siyang gawa kundi bilangin ang kanyang pera. Dumating ang sandali na ang kanyang kabayo ay ayaw pakainin.
Isang araw, naisip ng lalaki na ipagbili ang kanyang kabayo. Ngunit sinong bibili sa kanya? Payat, matanda at di na makahila. Walang tatanggap sa kanya kahit ibigay ko pa. Siya'y pasanin lamang! Akin na lamang aalpasan at bahala na siyang manginain ng damo sa lansangan!
Ang kabayo ay inalpasan. Ito'y naging masasakitin at papilay-pilay. Binabato ng mga bata sa daan. Siya'y tinatahulan ng mga aso. Nagpalibot-libot ngunit walang makaing damo. Ang kapaligira'y kalos na kalos pagkat tag-init.
Sa di kinukusa, napadako ang kabayo sa pamilihang-bayan. Walang tao sa lansangan pagkat sila'y nasa bahay dahil sa alinsangan ang panahon. Bukas ang tarangkahan ng pamilihan. Ang kabayo ay nakapasok at namataan niya ang baging nakabitin na tali ng kampana. Para bang siya'y kinawayan ng mga dahon at ang sabi, Halika, ikaw'y nagugutom.
Sinimulang kainin ng kabayo ang mga dahon. Tuwing dadakmain ang mga dahon, nahahaltak ang baging, kaya ang kampana ay tumutugtog.
Narinig ng mga taong-bayan at mga huwes ang tugtog ng kampana. Wari'y isang panawagan, Ako'y pinabayaan, ipinagtabuyan, kaya kaawaa't bigyan ng katarungan.
Maraming mga mamamayan ang nagpunta sa pamilihang-bayan. Nakita nila ang kabayo. Sigaw ng isa, Iyo'y kabayo ng sundalo. Talagang masamang tumarato!
Kahit hayop ay natutung magsakdal dahil sa kanyang kaapihan! sambat naman ng isa.
Ipinatawag ng mga hukom ang may-ari ng kabayo.
Nang humarap ang kawal sa tribuna, siya'y hinatulan ng ganito, Pinagsilbihan ka ng kabayo mo nang mahabang panahon. Ikaw ay iniligtas niya sa sarisaring panganib. Siya ang nagbigay sa iyo ng iyong kayamanan. Ang kayamanang iyan ay hahatiin at ang kalahati ay ilalaan sa iyong kabayo. Siya'y ibibili ng pastulan, pagkain at kabalyurisang matatahanan. Gugugulin ang pera sa kanya habang buhay!
Nanlumo ang kawal nang marinig ang hatol. Masakit para sa kanya ang magbitiw kahit isang kusing!
Nagsigawan ang mga tao, Sa wakas ay nagtagumpay rin ang katarungan! Salamat sa , kampana ng katarungan!
Hango sa kuwento ni Pablo Cuasay