Isang musikerong mangingisda ang hinahangaan ng marami sa husay niyang tumugtog ng plawta. Kapag namamahinga ay maririnig mo ang kaniyang musika. Napapaindak ang mga dalaga kapag balitaw na ang tinutugtog niya. Napapakanta naman ang mga binata kapag nangungundiman siya. Para sa mga nakakatanda, gusto nilang sa halip na paghusayan niya ang pagtugtog sa plawta ay pagbutithin sana niya ang pangingisdang bubusog sa pamilya.
Tuwing pupunta sa dagat, laging dala-dala ng mangingisda ang lambat niya. Sapagkat konting-konti lamang ang mga isdang nahuhuli, lungkut na lungkot siyang sapat lamang na pang-ulam ang handog sa kaniya ng karagatan.
Hindi ko matututuhan ang galaw ng karagatan. Sa tinagal-tagal na pangingisda ko lagi at laging sapat lang ang huli ko. paliwanag ng mangingisda sa mga anak.
Bakit si Mang Teban at Mang Kiko po laging maraming nahuhuli. May pusit na, may tulingan pa. Nakakahuli rin po sila ng bisugo at hasa-hasang pinagkakaguluhan ng mga suki nila sa bayan.
Si Mang Teban at Mang Kiko ay sanay nang mangisda sa karagatan. Sa umaga, tanghali o gabi man ay alam na alam na nila kung aling bahagi ng dagat ang dapat pangisdaan. Isang sining din ang pangingisda na dapat na matutuhan. Kailangang alam mo kung saan mo ibababa ang lambat at kung kailan mo itataas upang huli ay masukat.
Hindi gaanong naunawaan ng mga bata ang paliwanag ng ama. Hindi nila gaanong masakyan ang sining na sinasabi ng mangingisda. Ang alam lang nila ay sapat lang na huli ang laging uwi ng ama nila. Pangarap nilang sana ay matulad ang ama nila kina Mang Teban at Mang Kiko na maraming huling kayamanan mula sa kalikasan.
Nag-isip nang malalim ang mangingisda. Nang umagang iyon ay naghanda siyang pumalaot sa karagatan. Inisip niyang bukod sa lambat ay dalhin din niya ang plawtang iniingatan.
Hindi ako mahusay mangisda pero baka makatulong ang pagiging musikero ko sa pagpaparami ng huli ko.
Sa gitna ng dagat ay ibinaba ng mangingisda ang lambat. Sa ilang minutong paghihintay ay iniangat niya ang panghuli subalit ang huli niya ay iilan lamang. Baba na naman. Angat. Baba uli. Angat. Mabibilang mo sa daliri ang huli. Nanlumo ang mangingisda.
Malas! bulong nito.
Naisip ng mangingisdang kunin ang plawta at tumugtog. Inisip niyang ang husay niya sa pagtugtog ay maaaring makatawag sa mga isda upang magsilapit.
Sa pagbababa at pag-aangat ng lambat ay wala siyang nahuli isa mang isda. Natugtog na niya ang pinakamalulungkot at pinakamasasayang musika ay wala ring pagbabago ang pangingisda.
Nag-isip nang malalim ang pobreng mangingisda. Pumunta siya sa hilaga, nagbaba at nag-angat ng lambat. May mangilan-ngilang huli siya. Pumunta siya sa timog, wala isa mang huli siya. Pero nang magpunta siya sa kanluran at inangat niya ang lambat ay marami siyang handog na tinanggap mula sa kalikasan. Pinag-aralan niyang mabuti kung paano ihulog ang lambat. Pinag-aralan din niya kung paano ito hatakin. Sinuri niya kung saan ihuhulog ang lambat at kung gaano katagal ang ipaghihintay niya.
Nang umuwi ng gabing iyon ay punung-puno ng isda ang bangkang ipinalaot ng mangingisda.
Hindi lamang bisugo, pusit, hasa-hasa at tulingan ang huli niya. May ipagmamalaki rin siyang malalaking tamban na tiyak na pagkakaguluhan sa pamilihang bayan.
Tama ang mangingisda. Ang paglusong sa tubig ay dapat na pangatawanan at ang pangingisda ay dapat na matutuhan.