Noong unang panahon ay may isang hari ng mga isda. Siya ay binata kaya nakaisip siyang mag-asawa. Ang napangasawa niya'y isang isdang batang-bata at maganda. Nang sila'y ikasal ang lahat ng mga isda ay dumalo at bumati kaya't ang handaan ay tumagal ng ilang araw.
Isang araw, ang reyna ay nagkasakit. Ang lahat ng manggagamot sa kaharian ay natawag na nguni't walang makapagpagaling sa kanya.
Ang reyna ay nakahiling sa mahal na hari, Asawa ko, ako'y nanaginip at sa panaginip ko ay sinabing ang makalulunas sa aking karamdaman ay atay ng matsing na buhay. Ipahanap mo ako agad ng matsing. Pagnakain ko ang atay nito ay gagaling akong walang sala.
Ha? Atay ng matsing? Ano ba ang naisip mo? bulalas ng hari. Tayo ay nasa karagatan. Saan tayo kukuha ng matsing dito? Malayo ang kahuyan at kabundukan dito. Nahihibang ka ba?
Napaluha ang reyna sa sagot ng hari at ang wika, Talagang ako'y hindi mo minamahal. Mabuti pa noong ako'y nasa piling ngaking mgamagulang. Pinagbibigyan nila ang bawa't mapita ko.
Wala nang naisagot ang hari sa reyna kaya ipinatawag ng una ang kanyang pinakamatapat na utusang si Pugita. Nais kong dalhan mo ako ng buhay na matsing, ang wika ng hari. Linlangin mo siya upang sumama sa iyo. Sabihin mong dito sa ating kaharian ay masaya at sagana sa pagkain. Huwag mong ipagtatapat sa kanya na gusto kong kunin ang kanyang atay. Ang atay lamang niya ang makagagaling sa taglay na karamdaman ng reyna.
Sumunod naman si Pugita. Nang unang panahon ang pugita ay katulad ng ibang isda na may mata, pal ikpik at buntot. Mayroon din siyang mga paa kaya siya ay nakalalakad sa lupa. Hindi siya nagtagal sa paglangoy at matapos maglakad ay nakarating siya agad sa kaparangan. Dito ay nakakita siya ng isang matsing at ito ay binati niya nang magiliw. Kaibigang Matsing, ako'y naparito upang ikaw ay anyayahan. Sa aming kaharian ay totoong masaya. Sagana roon sa pagkain. Maraming mga bungangkahoy roon na kagigiliwan mo. Wala roong mga taong magpapahirap sa iyo. Kung gusto mo ay dadalhin kita roon. Sumakay ka sa aking likod at makararating tayo agad.
Natuwa ang matsing at makakakita siya ng ibang kaharian. Sumakay siya sa likod ng pugita at humayo na silang dalawa. Nang nangangalahati na sila sa patutunguhan ay nag-alaala ang matsing na baka sa kanilang paroroonan ay malagay sa panganib ang kanyang buhay. Hintay nga muna wika niya. Bakit ba ako ang sinadya mo?
Kailangan ng aming hari ang iyong atay, paliwanag ng Pugita. Ang atay mo ay ipapakain sa reynang maysakit sapagka't ang atay mo lamang ang gamot sa taglay niyang karamdaman. Sinabi ni Pugita ito sapagka't nakalimutan niya ang paalaala ng kanyang hari.
Aha! kaya pala ako inanyayahan mo. Ang totoo'y nais kong makapaglingkod sa mahal na reyna, lamang ay ikinalulungkot kong ipagbigay-alam sa iyo na naiwan kong nakasabit sa sanga ng mangga ang aking atay. Alam mo, ang atay ko ay napakabigat. Lagi kong iniiwang nakasabit ang aking atay sa sanga ng mangga kapag ako'y naglulukso, kaya kailangan nating pagbalikan ito.
Si Pugita naman ay madaling sumang-ayon na pagbalikan nila ang atay ng matsing.
Ang dalawa nga ay nagbalik sa pinanggalingan. Nang malapit sila sa pampang ay lumundag na bigla ang matsing at nagtungo sa kahuyan. Madali siyang umakyat sa kaitaasan ng isang puno ng mangga at hinintay na matapat sa ilalim niya si Pugita. Wala rito ang atay ko, sigaw ng matsing. Baka may kumuha. Bayaan mo't hahanapin ko. Samantala, umuwi ka na at ibalita mo sa hari ang nangyari.
Si Pugita ay nagbalik sa hari. Nang malaman ng hari ang nangyaring pagkalinlang kay Pugita ay walang pagkasiyahan ang galit ng hari.
Talagang wala kang isip, galit na galit na wika ng hari.
Noon din ay ipinapalo si Pugita hanggang sa madurog na lahat ang mga tinik at buto nito.
Magmula noon ay nawalan na ng buto at tinik si Pugita.