Noong unang panahon si Reyna Bathala ay kinikilalang diyos sa ibabaw ng lupa at sa karagatan naman ay si Haring Dumagat. Kapwa sila may mabubuting kalooban kaya naman ang kanilang mga tauhan ay di katakatakang mamuhay nang matiwasay at maligaya.
Si Bathala ay maraming alaga. Nguni't sa dinami-rami ng mga alaga niya ay napatangi si Kalapati at si Uwak. Mahal na mahal niya ang mga ito. Noong panahong iyon ang dalawang ibong ito ay kapwa may magagandang kulay. Bukod sa rito'y may magaganda pa rin silang tinig. Tunay na nakatutuwa at napakaganda ng dalawang ibon kaya naman ang Reyna ay labis na naliligayahan sa pakikipag-ulayaw sa kanila.
Si Haring Dumagat naman ay ganoon din. Labis-labis din siyang naliligayahan dahil sa kanyang mga alaga.
Maligaya na sana si Dumagat sa pagkahari sa karagatan nang isang araw ay matuklasan na lamang niyang unti-unting nalilipol ang kanyang mga isda sa kanyang kaharian. Laki ng pagkagalit niya nang matuklasan ang mga tauhan ni Bathala pala ang humuhuli at nagnanakaw ng mga ito. Naglalatang ang dibdib sa galit na naghanda si Dumagat upang makipagharap kay Bathala at idaing ang kanyang suliranin. Malayu-layo rin ang kanyang nilakbay at pagkatanaw sa palasyo ni Bathala ay lalong tumindi ang sama ng loob. Nadatnan niyang masayang nakikipaglaro ang Reyna sa dalawang alagang ibon.
Ano ang iyong kailangan sa aking kaharian? ang tanong ng Reyna.
Ako'y naparito upang ipagbigay-alam at idaing ang nangyari ngayon sa aking kaharian.
Haring Dumagat, bakit iyong naisipang sa akin idaing ang suliranin mo sa iyong kaharian? ang tanong ng Reyna Bathala.
Sapagka't ikaw lamang at ang iyong mga tauhan ang tanging makalulutas ng suliranin kong ito, Reyna Bathala.
Nagtatakang napataas ang kilay ni Reyna Bathala.
Nguni't ano ang kinalaman namin sa iyong kaharian? Ang aking mga tauhan ay pawang masunurin at lahat ay gumagawa ayon sa aking mga ipinag-uutos, ang paliwanag ng Reyna.
Iyan ang iyong akala, Reyna Bathala, nguni't katunayan ay hinuhuli at ninanakaw nila ang aking mga isda. Kaya't habang nagtatagal ay nauubos ang aking mga alaga. Ako'y naparito upang ihingi sa iyo ng katarungan. Hinihiling kong patawan mo ng kaukulang parusa ang katampalasanang ginagawa ng iyong mga tauhan. Kung hindi ka gagawa ng hakbang laban diyan ay mapipilitan akong gumawa ng paraan upang malipol naman ang iyong kaharian, ang nagbabantang sabi ni Haring Dumagat.
Ano ang iyong katugunan, Reyna Bathala?
Ako'y nakikiisa sa iyong kabiguan, nguni't ngayon pa'y dapat mong malamang hindi ko maaaring parusahan ang aking mga tauhan, ang sagot ng Reyna.
Ngayon din ay makaaalis ka na, Haring Dumagat.
Galit na lumisan si Dumagat. Sinimulan niyang isipin kung paano niya mapapantayan ang yaman ng kaharian nito.
A, alam ko na. Tingnan ko lamang kung siya'y may magagawa upang iligtas ang kanyang mga tauhan, ang pabulong na sabi ni Haring Dumagat.
Kaya't galit na galit niyang sinimulang buksan ang malaking pinto ng karagatan. Umapaw ang tubig sa lupa, sa mga bukirin at mga bayan. Naanod na lahat ang mga halaman at lahat halos ng mga tao ay nangasawi.
Nasaksihan lahat ito ni Bathala. Narinig niya ang sigawan at panahuyan ng kanyang mga kampon na nangalulunod. Parang hinihimay ang puso ni Reyna Bathala sa tuwing nakaririnig ng daing. Wala siyang nagawa kundi tumingala sa langit at humingi ng awa sa mga ibong diyos. Sa kabutihang palad ay nakaligtas ang pamilya ni Bathala, pati ang kanyang mga alaga.
Pagkaraan ng maraming araw, wari'y nasiyahan na rin si Haring Dumagat. Humupa ang tubig at bumalik sa dating kalagayan.
Hinangad ni Reyna Bathala na malaman ang kalagayan ng kanyang mga tauhan. Inutusan niya ang uwak upang alamin ang kinahinatnan ng mga tao.
Mahal kong alaga, nais kong ikaw ay lumipad at alamin mo ang kinahinatnan ng mga tao, ang utos ng Reyna.
Ngayon din po, mahal na Reyna.
Malayu-layo rin ang nilipad ng uwak. Sa paglipad niya ay nakita niya ang mga patay na nangaanod. Siya ay bumaba mula sa himpapawid at sinimulang pagsawaang kainin ang nabubulok na laman ng mga tao.
Samantala, sa kaharian si Reyna Bathala ay buong pananabik na naghihintay sa pagbabalik ng uwak. Nguni't lumipas ang maghapon ay hindi ito nagbalik. Kaya't ang kalapati naman ang kanyang pinasundo sa uwak.
Kalapati, nais kong sundan mo at alamin ang nangyari kay Uwak. Sabihin mong hinihintay ko ang kanyang pagbabalik.
Opo, mahal na Reyna, ang sagot ni Kalapati.
Taimtim na sumunod ang inutusan. Laki ng kanyang pagkasindak nang masaksihan ang ginawa ng uwak.
Uwak, ikaw ay ipinasusundo ng mahal na Reyna. Nais niyang bumalik ka sa palasyo, ang sabi ni Kalapati.
Magkasamang lumipad na pabalik sa palasyo ang dalawang ibon na walang kibuan.
Kalapati, saan mo natagpuan si Uwak? ang nagagalit na tanong ng Reyna.
Natagpuan ko po siyang kumakain ng patay na tao, ang sagot ng kalapati.
Uwak, bakit mo ginawa iyon? Hindi ba utos ko sa iyo'y alamin at ipagbigay alam sa akin ang kinahinatnan ng mga tao? ang galit at sunod na tanong ng Reyna.
Katahimikan ang sumunod. Waring nakaramdam ng pagkapahiya at pagkabigo ang Reyna. Dahan-dahang tumayo at sa matinding galit ay naisumpa niya ang uwak.
Ikaw ay parurusahan ko. Magmula ngayon, ikaw ang tatanghaling pinakapangit na ibon sa daigdig. Ang maganda at magara mong tinig ay mawawala. Wala kang masasabi upang tawagin ang iyong kapwa kundi ang katagang wak! wak!
Tungo ang ulong humarap ang uwak sa Reyna. Mula noon lahat ng ipinanganak ng uwak ay maitim at walang kayang sambitin sa kapwa kundi ang wak! wak!
Be one of the Community. Publish your writings in this site. to do this: just kindly send your writings @ lermzdomy.writer@blogger.com. Your writings will automatically publish in this site. For more info just kindly click here.